8

May 3, 2021 @ 19:08
By

Guro nganga pa rin sa 2019 bonus

Nganga pa rin ang mga guro sa pampublikong paaralan at wala pa ring katiyakan kung kailan nila makukuha ang kanilang 2019 Performance-Based Bonus (PBB).

Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) palala nang palala ang performance ng Department of Education (DepEd) sa pagproseso ng PBB ng mga guro at non-teaching personnel sa pampublikong paaralan.

Sinabi ni ACT Secretary-General Raymond Basilio na naipangutang na ng ilang guro ang kanilang 2019 bonus pero hanggang ngayon ay hindi pa rin masabi ng DepEd kung kailan ito matatanggap.

Ang PBB ay ginawa ng Aquino administration noong 2013 para mabigyan ng insentibo ang mga empleyado ng gobyerno na nagpapakita ng magandang performance.

Nang matapos ang guidelines para sa mga kawani ng DepEd, naibigay ang kanilang PBB para sa taong 2013 noong Enero 2015.

Ang PBB 2014 ay naibigay naman ng Setyembre hanggang Oktobre 2015 at ang PBB 2015 at naibigay ng Disyembre 2016.

Sa ilalim ng administrasyong Duterte ay lumala umano ang performance ng DepEd sa pagproseso ng PBB.

Ang PBB 2016 ay naibigay ng Marso 2018 at ang PBB 2017 ay naibigay ng Pebrero 2019. Ang PBB 2018 naman ay naibigay ng Abril 2020.

“Hindi p’wedeng paghintayin na lamang forever ang mga guro at kawani. Dapat magpaliwanag ang DepEd kung bakit ganito na lamang palagi ang estado ng PBB, lalo na mula nang umupo ang kasalukuyang administrasyon,” sabi ni Basilio.

Sa ilalim ng PBB 2019, ang mga kuwalipikadong guro ay makatatanggap ng 65% ng kanyang buwanang sahod o hanggang P13,490 para sa Teacher 1 at P16,400 sa Teacher 3.

“Matagal nang inaasahan ng mga guro ang PBB 2019, katunanyan ay naipangutang na nila ito dahil hanggang ngayon, walang ibinibigay ang gobyerno na internet allowance, palpak ang implementasyon ng communication expenses reimbursement, at wala pa rin ang pangakong dagdag sweldo ni Pangulong Duterte,” wika pa ni Basilio.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?