405

Nov 4, 2019 @ 14:51
By

Guro kinatay sa loob ng bahay

Patay na nang matagpuan sa loob ng kanyang bahay ang isang 28-anyos na public school teacher, Linggo ng hapon sa Virac, Catanduanes.

Dakong alas-4:15 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng biktimang si Donn Carlos Bagadiong, guro sa Catanduanes National High School, miyembro ng LGBT community, sa ikalawang palapag ng kanyang bahay sa Barangay Valencia ng nabatid na bayan.

Base sa ulat ni Police Major Danilo Tenerife, tagapagsalita ng Catanduanes Police Provincial Office, nakabulagta sa sahig ng kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay ang biktima na may mga taga sa mukha at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Isang butchers knife din na may bahid pa ng dugo ang natagpuan hindi kalayuan sa bangkay ng biktima na pinaniniwalaang ginamit ng hindi pa kilalang suspek sa pagpaslang sa guro.

Agad namang ipinag-utos ni Police Col. Raul Florendo, provincial director ng Catanduanes PPO, ang masusing imbestigasyon para sa agarang pagdakip sa suspek na pinaniniwalaan ng pulisya na kilala ng biktima.

Isa sa tinitignang anggulo ng pulisya sa krimen ay pagnanakaw subalit patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon upang mabatid kung ano ang tunay na dahilan ng krimen.

Samantala, nag-alok naman ng P100,000 pabuya ang Catanduanes provincial government para sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon para maaresto ang suspek sa pagpatay kay Bagadiong.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?