114

By

Guro, estudyante nag-rally sa UP vs CHED memo

Sharing is caring!

Daan-daang estudyante ang nagsagawa ng kilos-protesta sa loob ng compound ng University of the Philippines sa Diliman, Quezon City, upang tutulan at iapela ang pagpayag ng Korte Suprema na alisin ang mga subject na Filipino, Panitikan at Philippine Constitution sa General Education Curriculum sa kolehiyo.

Ang rally ay isinagawa ng mga UP student at faculty, na pinangunahan ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas at mga progressive youth organization, sa Palma Hall lobby dakong alas-kwatro ng hapon (November 13).

Hawak ang banner na may nakasulat na ‘Iskolar ng Bayan, hindi ng Dayuhan’ ay isinisigaw ng mga estudyante na kanilang ipinoprotesta ang patunay ng Commission on Higher Education (CHED) memorandum bilang 20, Seksyon 30 na aalisin na ang Filipino subjects sa college curriculum.

Nakasaad sa memo o Revised Core Course “As proposed, the GEC will be reduced to a minimum of 36 units, distributed as follows: 24 units of core courses; 9 units of elective courses; and 3 units on the life and works of Rizal (as mandated by law). The general courses maybe taught in English or Filipino.”

Magugunitang kamakailan ay tuluyan nang inalis ng Korte Suprema ang 2015 Temporary Restraining Order (TRO), at pinaboran ang higher education memorandum na tanggalin na ang Filipino, Panitikan, at Constitution sa mga subject sa kolehiyo.

Sa 94-pahinang isinulat ni Associate Justice Benjamin Caguioa, idineklara ng en banc na konstitusyonal ang K-12 at tatanggalin na ang TRO laban sa Memorandum Order No. 20 ng CHED na tanggalin na ang Filipino at Pantikan sa subject sa kolehiyo dahil magiging ‘duplication’ lamang umani ito na itinuro na sa elementary at high school.

Nabatid na una na ring nagtipon ang mahigit 200 na mga guro, manunulat, mananaliksik at mga mag-aaral mula sa iba’t ibang pamantasan para sa talakayang ‘Bantay Wikang Filipino’ upang tutulan ang pagpapatupad sa nasabing memo ng CHED.

Ang talakayan na ginanap sa Pulungang Claro M. Recto, Bulwagang Rizal ay inorganisa ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP) sa pakikipagtulungan ng Sentro ng Wikang Filipino (SWF) at Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL).

Mariin nitong tinututulan ang naturang memorandum kung saan sa bagong General Education Curriculum (GEC), mula sa dating siyam na yunit na kahingian sa wikang Filipino sa kolehiyo ay ibababa na sa hayskul ang pagtuturo ng wika at panitikan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?