31

May 2, 2019 @ 18:14
By

Gunrunner nakipagbarilan sa parak, tigbak

Todas ang isang sinasabing miyembro ng gunrunning syndicate matapos na manlaban sa mga operatiba ng Quezon City Police Disrict (QCPD) nitong Huwebes ng hapon.

Batay sa inisyal na report kay Police Lt. Col. Rossel Cejas, hepe ng QCPD Station 4, ang napatay na suspek ay nakilalang si Ernest Reyes, may asawa, at residente ng Brgy. San Agustin, Novaliches, QC.

Alas-4:30 ng hapon ng Mayo 2, ay isisilbi sana ng mga awtoridad ang search warrant na inisyu ni Hon. Cecilyn Burgos-Villavert, executive judge ng QCRTC Branch 89, para sa kaso nitong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Subalit sa halip na tanggapin ang search warrant ay mabilis na kinuha ng suspek ang kaniyang cal. 38 revolver at pinaputukan ang mga pulis subalit alerto namang nakaiwas agad ang mga awtoridad saka pinagbabaril na rin ang nasabing gunrunner na namatay noon din.

Nabatid na si Reyes ay nasa drug watchlist at naaresto noong 2016 sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at nakalaya sa pamamagitan ng plea bargaining nitong nakaraang Enero 2019.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?