By

Gun at liquor ban, ipapatupad sa Maynila sa Traslacion 2018

Sharing is caring!

Bilang bahagi ng paghahanda sa seguridad ng Traslacion 2018, magpapatupad ng 48-oras na gun ban ang pulisya sa buong lungsod ng Maynila mula hatinggabi ng Enero 8 hanggang hatinggabi ng Enero 10, 2018.

Ayon kay Manila Police District (MPD) Director Chief Supt. Joel Coronel, nangangahulugan ito na suspendido muna ang permit to carry firearms outside of residence sa nabanggit na panahon sa buong Maynila.

Idinagdag pa ni Coronel, na nakatakda ring magpalabas si Manila Mayor Joseph Estrada ng Executive Order na nagrerekomenda ng temporary liquor ban.

Ipatutupad ang liquor ban mula alas-sais ng gabi ng Enero 8 hanggang alas-sais ng umaga ng Enero 10 sa loob ng 500 metro ng mga lugar na dadaanan ng ruta ng traslacion at mula sa paligid ng Quiapo at Quirino Grandstand.

Nangangahulugan ito na bawal muna ang pagbebenta, pamamahagi at pag-inom ng alak o anumang nakalalasing na inumin sa nabanggit na mga lugar.

Hindi naman sakop ng liquor ban ang mga establisimiyento na may accreditation mula sa Department of Tourism.

Sinabi ni Coronel na tugon na rin ito sa pangamba na may makasali sa prusisyon na mga debotong nakainom sa kabila ng pakiusap ng Quiapo Church na huwag na silang sumama sa traslacion. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?