23
gang
By

Gun-for-hire todas sa gun ban

Sharing is caring!

Patay ang isang miyembro ng gun-for-hire gang habang naaresto naman ang dalawang kasamahan nito ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa naganap na engkuwentro sa pagsisimula ng election gun ban sa Novaliches, Quezon City, kagabi.

Kinilala ni Director, Police Chief Superintendent Guillermo Lorenzo Eleazar ang napatay na si Aries Libre Alantico, ng San Mateo Rizal, base sa nakuhang identification card sa bangkay nito.

Naaresto naman ang dalawa pang kasamahan nito na nakilalang sina Jerry Taturan, 41-anyos, residente ng North Fairview, at Gerome Gonzales, 18, naninirahan sa Brgy. Sta. Monica, Novaliches.

Ayon kay P/Supt. Carlito Grijaldo, hepe ng Novaliches Police Station (PS-4), dakong alas-10:00 ng gabi nitong Abril 13, 2018, nagsagawa ang kanyang mga tauhan ng Oplan Galugad sa Geronimo St., Brgy. Sta. Monica, Novaliches, nang maispatan nila ang kahina-hinalang kilos ng apat na kalalakihan sakay ng kulay pulang Toyota Vios na nakaparada sa madilim na lugar.

Lumalapit pa lang ang mga pulis sa Toyota Vios ay agad silang pinaputukan ng baril at mabilis na pinasibad ng mga suspek ang kanilang sasakyan patungong Quirino Highway kaya agad namang hinabol ng mga awtoridad, kasabay ng pagtawag sa lahat ng kanilang units upang ipaalam ang insidente.

Agad namang nagtayo ng chokepoint ang Fairview Police Station (PS-5) sa harap ng S&R supermarket sa Quirino Highway, Brgy. Kaligayahan, subalit nang maispatan naman ng mga suspek ay agad na iniliko ang kanilang sasakyan sa Calalang Compound.

Doon ay nagsibabaan na sa kanilang sinasakyang kotse ang mga suspek at nagkaniya-kaniya nang takbuhan papatakas, subalit nakorner ng mga pulis sina Taturan at Gonzales.

Nakumpiska kay Taturan ang Armscor caliber .45 pistol na may apat na bala habang si Gonzales naman ay nakuhanan ng dalawang bala ng 12 gauge shotgun.

Sa follow-up operation dakong alas-12:00 ng hatinggabi ay naispatan naman si Alantico at ang isa pang kasama nito malapit sa gasoline station sa kahabaan ng Quirino Highway, Brgy. Kaligayahan.

Nang makita ang mga awtoridad ay nagpaputok ng baril si Alantico kaya naman gumanti na rin ng pamamaril ang mga pulis at duguang bumagsak ang suspek. Mabilis namang tumakas ang kasama nito.

Nasamsam kay Alantico ang caliber .9mm pistol at ilan pang catridge cases.

Ang mga naarestong suspek ay nakatakdang kasuhan ng paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition habang tinutugis pa ang kasamahan nitong nakatakas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?