97

By

Gun ban simula na ngayong araw kasabay ng pagsisimula ng election period

Simula na ngayong araw na ito, January 13, ang election period para sa midterm polls sa Mayo.

Ang election period ay tatagal hanggang June 12, 2019.

Sa nasabing panahon, kahit lisensyado pa ang baril ay ipagbabawal ang pagbibitbit nito sa mga pampublikong lugar kabilang na sa mga parke, kalsada, gusali at mga sasakyan, maliban na lamang kung may Certificate of Authority o CA.

Tanging ang Commission on Elections (Comelec) lamang, sa pamamagitan ng Committee on the Ban on Firearms and Security Personnel (CBFSP), ang may kapangyarihan na mag-isyu ng CA.

Samantala, sa panahon din ng election gun ban, ipagbabawal ang pagkuha ng serbisyo ng mga security personnel at ang pagbyahe ng mga armas at pampasabog kabilang na ang mga spare parts o mga bahagi nito.

Suspendido rin ang pag-iisyu ng firearms license at permit to carry firearms outside residence.

Ang sinumang lalabag ay mapapatawan ng parusa na isa hanggang anim na taong pagkabilanggo at permanente nang madidisqualify sa paghawak ng posisyon sa gobyerno at karapatang makaboto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?