290

Oct 4, 2017 @ 11:02

Gumawa ng fake bank accounts pinangalan ni Trillanes

Ibinunyag ni Senador Antonio Trillanes IV ang nagbenta kay Pangulong Rodrigo Duterte ng mga bogus na bank account ng senador.

Sa kanyang privilege speech, tinukoy ni Trillanes ang isang Daniel “Snooki” Cruz na may tanggapan sa LTA Building sa Legazpi Village sa lungsod ng Makati.

Nagpakilala anya si Cruz na konektado sa US Embassy, isang federal agent at financial forensic expert upang mapaniwala si Pangulong Duterte.

Ibinenta anya ang dokumento sa halagang P10 milyon subalit P3 milyon lamang ang naibayad.

Iprinisinta rin ng senador ang mga larawan ni Cruz kasama si PNP chief, Director General Ronald dela Rosa gayundin ang litrato nito kasama si Pangulong Duterte noong August 31 sa Malakanyang.

“So talagang nahuli natin. Buti na lang, may nagmamalasakit na PMAers diyan sa Malakanyang na nagbisto kay Mr. Cruz at sinabi sa akin yunh detalye,” pahayag ni Trillanes.

Sinabi ni Trillanes na nauna nang sinubukang ibenta ni Cruz ang impormasyon noong isang taon subalit para naman sa bank accounta ni Senador Leila De Lima.

“Yung kay De Lima, binenta last year sa isang Cabinet official ng Duterte aministration pero vinalidate ng ibang ahensya ng gobyerno nafind out na peke kaya hindi inilabas at buti naman dahil hindi siya nasunog,” dagdag nito.

Kasabay nito, muling hinamon ng senador si Pangulong Duterte na lumagda sa waiver sa bangko dahil upang mabusisi ang mga bank accounts nito.

Ito ay nang ibinunyag ni Trillanes ang pagbili ng Pangulo ng P80 milyong halaga ng insurance para sa mga anak sa loob lamang ng isang araw noong April 2015.

Bukod dito, pinangalanan ng senador ang isang Sammy Kang Uy na nabigay naman ng kabuuang P118 milyon sa mga anak ng pangulo at sa common law wife na si Honeylet.

Ang speech ni Trillanes ay inirefer naman sa Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon.(Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?