83

Jun 5, 2019 @ 16:30
By

Gumagawa ng pekeng pera, laglag sa guwardiya

Arestado ang 23-anyos na babae nang makumpiskahan ng mga pekeng pera sa Barangay Central, Quezon City, Martes ng gabi.

Kinilala ni P/Supt. Louise Benjie Tremor, hepe ng Kamuning Police Station ng Quezon City Police District, ang suspek na si Marilou Seguerra, 23, naninirahan sa Norzagaray, Bulacan.

Nakumpiska sa kaniya ang 54 piraso ng pekeng P1,000 bill na may iisang serial numbers.

Batay sa report kay Tremor, narinig ng isang nakilalang si Harry Quiambao, na nagkataon namang Security Agent 1 ng Bangko Sentral ng Pilipinas, ang pakikipagtalo ni Seguerra at sa kasama nitong nakilala lamang sa alyas Janine dahil sa mga pekeng pera dakong alas-8:45 ng gabi noong Hunyo 4 sa harapan ng isang establisyimento sa East Avenue, Brgy. Central.

Nang maulinigan ni Quiambao na pinagtatalunan nina Seguerra at Janine ang tungkol sa mga pekeng pera na kanilang ginagawa at ipinapakalat ay agad niya itong sinita.

Subalit mabilis namang nakatakbo at nakatakas si Janine habang nasunggaban ng guwardiya si Seguerra at saka itinurn-over sa Kamuning Police Station 10.

Sa pulisya, inamin ni Seguerra na siya mismo ang nagpo-produce ng mga pekeng salapi, gamit ang photo copy o xerox machines.

Ang suspek ay nakapiit ngayon sa Kamuning Police Station 10 habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?