62

Dec 15, 2017 @ 19:19
By

Gulpihan babantayan ni Pacquiao

Malakas ang impluwensiya ni eight-division world champion Manny Pacquiao sa mga kabataan kaya naman halos lahat ay gustong marating ang naabot ng Pambansang Kamao.

Nag-organisa ang Philippine Sports Commission (PSC) ng 2017 PSC-Pacquiao Amateur Boxing Cup na magsisimula ngayong araw sa General Santos City.

Halos mahigit 300 kabataang boksingero ang nagpatala upang maging kampeon tulad ng kanilang iniidolong si Pacquiao.

Ang nasabing event ay binuo mismo ni Sen. Pacquiao katuwang si PSC Chairman William Ramirez, na ang unang yugto ay nakatakda para sa lahat ng mga local government units sa Mindanao.

Ayon kay Pacquiao, ang programa ang magiging kasagutan upang tuluyang makamit ng sports ang mailap na gold medal sa Olympics.

“Naniniwala ako na makakadiskubre tayo ng maraming mahuhusay na boxers na kayang makipagsagupa hindi lamang sa SEA Games at Asian Games kundi pati na rin sa Olympics,” hayag ni Pacquiao.

“Alam po ninyo noong 1994, ginusto ko rin maging national boxer pero sa dami po ng mga nagta-try-out, hindi po ako nakuha. Kaya po nagtiyaga ako para maabot ko ang pangarap ko.”

Ang magwawaging boxers sa national championships ay isasama sa pool ayon kay Ramirez.

Iikot ang torneo sa 15 probinsiya at lungsod sa bansa bago isagawa ang kampeonato.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?