21

Oct 6, 2017 @ 11:40

Guidelines sa tax-free balixbayan box, sinuspinde

Hindi muna ipatutupad ng Bureau of Customs (BOC) ang panuntunan sa pagpapadala ng consolidated balikbayan box ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) nang walang babayarang buwis.

Ito ay sa harap na rin ng tumataas na mga reklamo mula sa mga OFW kaugnay sa nasabing tax-exempt privilege.

Ayon kay BOC Commissioner Isidro Lapena, patuloy na nakakatanggap ang BOC ng mga reklamo tungkol sa mabusising rekisito na hinihingi ng kawanihan para malibre ang balikbayan box mula sa buwis.

Kaugnay nito, nagpalabas si Lapena ng memorandum na nagsususpindi sa Customs Administrative Order 05-2016; Customs Memorandum Order 04-2017 at registration requirement ng mga deconsolidator.

Sa ilalim ng mga nabanggit na kautusan, inilatag ang mga panuntunan para sa pagkakaloob ng tax-free privilege sa mga balikbayan box.

Itinatakda sa panuntunan na ang mga qualified Filipinos while abroad (QFWA) ay dapat na magsumite ng Information Sheet, photocopy ng kanilang Philippine Passport, kopya ng invoice at patunay ng pagbili sa mga produktong laman ng balikbayan box para ma-qualify ang kanilang kargamento sa tax exemption.

Sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), hindi papatawan ng buwis ang mga personal item na aabot sa P150 libo ang halaga na ipinadala sa pamamagitan ng balikbayan box.

“Although it is our duty to facilitate customs clearance of balikbayan boxes, we cannot set aside the sentiments of our fellow Filipinos abroad,” ang pahayag ni Lapena.

Aniya, ang drafting team ng CMTA ay makikipagpulong sa mga stakeholder para sa kaukulang amyenda ng sinuspindeng mga kautusan ng BOC.

“With the suspension of the current procedure on balikbayan box, the previous regulation will be enforced,” paliwanag ni Lapena.

Ang suspensyon sa dalawang kautusan at tatagal hanggang March 31, 2018. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?