64

Oct 24, 2017 @ 13:33

Guidelines para sa tax-free balikbayan boxes, apurahin

Pinamamadali na ni Senador Sonny Angara ang Bureau of Customs sa pagpapalabas ng bagong guidelines para sa mga balikbayan box ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na inaasahang dadagsa ngayong Kapaskuhan.

Noon pang nakaraang taon pa kinakalampag ang BOC pero wala pang iniisyu hanggang ngayon.

“Magpa-Pasko na naman pero wala pa ring kasiguraduhan kung mapapakinabangan na ng ating mga kababayang abroad ang pribilehiyong ito. Noong nakaraang taon pa ho tayo nananawagan na ipatupad na nang klaro at tama ang batas sa paraang hindi magiging pahirap lalo na sa mga OFW,” ayon kay Angara, may-akda ng Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) na naging batas noong Mayo 2016.

Nagpalabas ng dalawang panuntunan ang BOC ukol sa mga balikbayan box pero ipinatigil ang pagpapa-iral bunsod ng maraming reklamo at dahil pinuna nina Angara na hindi iyon naaayon sa CMTA.

Ang mga ito ay ang Customs Administrative Order 05-2016 at Customs Memorandum Order 04-2017 kung saan ipinalilista sa labas ng balikbayan box ang lahat ng laman ng kahon kasama ang resibo ng lahat ng bagong gamit dito at kopya ng pasaporte ng nagpadala.

Iniutos din ng Customs na hanggang P150,000 lamang ang halaga ng pwedeng ipadala ng mga OFW kada taon.

Idiniin ni Angara ang malaking pagkakamali ng Customs dahil ang kanilang isinabatas ay tatlong kahon kada taon na hanggang P150,000 ang halaga o hindi lalagpas sa P450,000 bawat taon na hindi ipagbabayad ng buwis.

“Isang magandang hakbang para sa bagong pamunuan ng Customs na maitama sa lalong madaling panahon ang alituntunin sa balikbayan box para manumbalik ang kumpiyansa ng taumbayan sa Customs,” ayon kay Angara.

“The laws that Congress makes should always be interpreted in favor of the people—and in this instance, it should be in favor of our OFWs and their families,” dagdag ng senador. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?