137
Guiao hanap ng kapalit ni Marcio
Jul 27, 2019 @ 14:22
By

Guiao hanap ng kapalit ni Marcio

Hindi pa napipili ang final roster, bawas na agad ang Gilas Pilipinas sa pagkawala ni Fil-Am gunner Marcio Lassiter.

Nakumpirmang nagka-grade 2 MCL sprain sa kaliwang tuhod ang sniper ng San Miguel Beer nitong Miyerkoles sa second quarter ng do-or-die game kontra NorthPort sa PBA Commissioner’s Cup quarterfinals.

Nagbanggaan sa ere ang mga tuhod nina Lassiter at Batang Pier guard Garvo Lanete. Dinala agad sa Cardinal Santos Medical Center ang sweet-shooting guard.

Mula 6 weeks na mawawala si Lassiter para magpagaling, ‘di na makakabalik sa kampanya ng SMB sa semifinals.

Posibleng ma-scratch na rin siya sa final roster ng Gilas, dahil Aug. 31-Sept. 15 ang iskedyul ng 2019 FIBA World Cup sa China.

Malaking kawalan sa wings si Lassiter, sina RR Pogoy at Matthew Wright ang naiwan sa pool.

Maghahanap si coach Yeng Guiao ng ipapalit sa puwesto ni Lassiter, pero hindi pa makumpirma kung sino ang puwede.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?