54

Sep 19, 2019 @ 16:09
By

Guevarra, hindi dinidiin sina De Lima, Roxas sa palpak na GCTA IRR

Hindi literal na isinisisi ni Justice Secretary Menardo Guevarra kina Senadora Leila de Lima at dating Interior Secretary Mar Roxas ang maling implementing rules and regulations (IRR) ng kontrobersyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.

“Well I wouldn’t really put the blame on them in the sense that they willfully adopted a wrong interpretation,” ani Guevarra sa interview sa CNN Philippines.

“But maybe we just say that perhaps if there was a greater oversight over what was happening there sa BuCor (Bureau of Corrections) then probably this could’ve been discovered much earlier,” dagdag nito.

Aminado rin si Guevarra na tulad ni Interior Secretary Eduardo Año, ay huli na nang matuklasan nila ang problema mula nang pumutok ang mga ulat sa posibleng maagang paglaya ng convicted murderer at rapist na si Antonio Sanchez.

Kamakailan lang ay nilagdaan ng Department of Justice at Department of the Interior and Local Government ang revised IRR ng GCTA law.

Batay sa Section 7 ng GCTA law o Republic Act 10592, inaatasan nito ang Secretary of Justice at Secretary of Interior and Local Government na balangkasin ang IRR ng naturang batas bago ito tuluyang isakatuparan.

Si Roxas ang tumatayong Interior Secretary habang si De Lima ang Justice Secretary nang nilagdaan ni dating President Benigno S. Aquino III ang batas noong 2013.

Subalit, iginigiit ng Section 3 ng IRR ng GCTA law na disqualified sa pag-avail ng GCTA ang mga recidivists, habitual delinquents, escapees, at mga indibiduwal na nahaharap sa karumal-dumal na krimen tulad ng nakasaad sa RA10592.

Dahil dito, pinagsusumite kapwa sina Roxas at De Lima ng Office of the Ombudsman ng written explanation/clarification kung bakit ang umiiral na probisyon sa IRR ay hindi tumatalima sa parehong diskuwalipikasyon na nakasaad sa huling paragraph ng Article 29 ng Revised Penal Code.

Kinlaro naman ni Guevarra na ang revised IRR ay naglalaman na ng mas malinaw na probisyon kumpara sa dati nitong bersyon.

“I would say that the main difference is clarity. The previous IRR did not make any clear specifications on who were excluded from the benefits of that law,” ayon kay Guevarra.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?