106

Nov 28, 2019 @ 19:15
By

Guanzon sa Kongreso: ‘Wag n’yo kaming turuan sa Cardema issue, mas maalam kami sa inyo!

Nag-react si Comelec Commissioner Rowena Guanzon sa paghahain ng resolusyon ng pitong kongresista sa pangunguna ni Speaker Alan Peter Cayetano para igiit sa poll body na mag-isyu ng certificates of proclamation (COP) sa 1st nominees ng Duterte Youth at Senior Citizens party-list.

Sa kanyang tweet nitong Nobyembre 28, binara ni Guanzon ang mga kongresista sa pagsasabing hindi sila dapat turuan ng mga ito ng dapat gawin dahil mas maalam sila kaysa sa mga ito.

“Huwag nyo kaming sitahin @COMELEC at huwag nyo kaming turuan ng trabaho namin. Mas maalam kami sa inyo,” saad ni Guanzon.


Kapwa nahaharap sa mga kaso sa Comelec ang mga 1st nominee ng dalawang party-list group.

Sa kabila na nanalo ng isang upuan sa Kongreso ang Duterte Youth (DY), hindi pa ito napupunan dahil sa iba’t ibang resolusyon na inihain sa Comelec na kumukuwestiyon sa validity ng mga nominado nito at party registration na kinabibilangan ni DY Chairman Ronald Cardema.

Samantala, ang isyu naman sa Senior Citizens party-list group ay ang hiningi nitong intervention sa Comelec para matapos ang internal dispute sa kanilang official nominees noong Mayo.

Tatlo umano ang nagki-claim na mga party president at may kanya-kanyang ineendorsong iba’t ibang sets ng nominees para sa Senior Citizens.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?