18

May 8, 2021 @ 14:46
By

GSIS tinangging kinaltasan ng interes ang loan ng mga guro

Pinabulaanan ng pamunuan ng Government Service Insurance System (GSIS) na kinakaltasan nila ng interes ang loan amortization ng mga guro habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang bansa.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni GSIS Vice President Nora Malubay, na hindi nangolekta ang kanilang ahensiya sa buong panahon na itinakda ang anim na buwang moratorium sa lahat ng pagkakautang alinsunod sa Bayanihan 1.

“Nagbigay po ang GSIS ng six months moratorium. So ibig sabihin hindi po kami nangolekta sa kanilang loan amortizations for six months. Wala po kaming chinarge na interes, bawal po ‘yon sa Bayanihan 1 and 2, bawal po ‘yon. So hindi po kami nag-charge ng additional interest or whatever,” ani Malubay.

Nagtataka ang GSIS official kung saan nanggaling ang isyu na kinakaltasan ng ahensiya ang loan ng mga guro at mayroon pang kasamang interes.

Sumusunod aniya ang GSIS sa inilabas na patakaran ng gobyerno batay sa nakasaad sa Bayanihan 1 at sa polisiyang inaprubahan ng GSIS board.

“Hindi ko malaman kung saan nanggagaling ‘yung mga usapin na ‘yan. Hindi po pupuwede na ‘yon. Bawal po ‘yon. Hindi po kami kumolekta at wala kaming additional interest na chinarge, maliwanag po yan sa policy na inaprub ng ating GSIS bord of trustees,” dagdag ni Malubay.

Una rito nanawagan ang isang grupo ng mga guro na ikansela ng GSIS ang paniningil umano ng naipong loan interest ng kanilang mga utang sa panahon ng ECQ noong 2020, partikular sa buwan ng Abril hanggang Hunyo 2020.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?