29

Jul 2, 2020 @ 15:39
By

Grupo nina Dingdong, Iza kontra sa anti-terror bill, ABS-CBN shutdown

Pinakilala na sa madla ang League of Filipino Actors o AKTOR, isang grupo ng mga artistang Pinoy na titindig sa mga isyung magbabanta sa freedom of expression.

Pinakilala ni Dingdong Dantes ang kanilang grupo at dahilan ng pagkakabuo nito sa isang Facebook Live broadcast nitong Miyerkoles.

“Nakita natin ang mabilis na pagpasa ng anti-terror bill, na ngayon ay malapit nang mag-lapse sa kamay ng ating Presidente,” banggit ng aktor.

“Ipinasara ng NTC, base sa kwestyonableng opinyon ng Solicitor General, ang ABS-CBN sa paraan na kaduda-duda. At habang mabagal at magulo ang proseso ng pagdinig, apektado na ng pagsara ng operation ng pinakamalaking media outlet ang 11,000 manggagawa at empleyado nito.”

“Nito namang katapusan ng Hunyo, itinakda ng Film Development Council ang protocol na nagpapalawak sa kanyang saklaw at nang walang konsiderasyon sa napagkaisahang guidelines ng InterGuild Alliance na siyang tunay na kinatawan ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula.”

“Ang lahat ng mga utos na ito ay may layunin kontrolin ang daloy ng at esensya ng pagku-kuwento: ang mapigilan ng papahayag ng mga tunay na kwento ng bayan. Ang lahat ng ito ay lumilikha ng kultura ng takot,” wika pa ni Dingdong.

Tinatag ang AKTOR noong Mayo 30, 2020, at kabilang sa mga miyembro nito sina Angelica Panganiban, Agot Isidro, Cherry Pie Picache, Gabby Eigenmann, Iza Calzado, Richard Gutierrez at iba pa.

“Madalas itinuturing na lamang ang karamihan ng mga aktor na mga manika at tau-tauhan na panlibang at nagdudulot ng saya. Dala na din siguro ito ng maling pag-unawa sa totoong kalagayan ng mga aktor sa kabuuan. Tapusin na natin ang ganoong pananaw,” sambit pa ni Dingdong.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?