23

Jun 23, 2022 @ 15:30
By

Grupo ng doktor: Magpabakuna para iwas lockdown

Umapela ang Philippine Medical Association (PMA) sa publiko lalo na sa mga hindi pa natatanggap ng bakuna at booster laban sa COVID19 na magpaturok na para hindi ulit bumalik sa lockdown.


Ito ang panawagan sa Laging Handa public briefing ni dating PMA President Benito Atienza sa harap ng tumataas na bilang na naman ng mga tinatamaan ng COVID 19 sa bansa.


Ayon kay Atienza, sa ngayon ay marami pang edad 5-17 ang hindi pa nakakatanggap ng first at second dose gayundin ang 18 pataas na wala pa ring booster shot kaya mahalagang magpabakuna para mayroong proteksyon laban sa subvariants ng COVID19 na nakapasok na sa bansa.

“Sa ngayon  ay nakikita natin, dapat po tayong mag-ingat para hindi na tayo … huwag na po nating hintayin na magkaroon tayo ulit ng lockdown.Kasi ang nabigyan pa lang po ng first dose, ng booster dose ay 14 plus million pa lang; wala pa nga po sa 15 million. At kailangan po natin kasi ang nabakunahan na po sa ating populasyon ay more than 69 million or 70% of the target population,” ani Dr. Atienza.


Lumalaylay na aniya ang epekto ng una at second dose ng bakuna kaya mahalagang makapag-booster shot na ang mga tao para hindi makompromiso ang kalusugan sa COVID19.


Kasabay nito, ipinaalala ni Atienza sa publiko ang patuloy na pag-iingat at laging sundin ang mga pinaiiral na panuntunan para maligtas sa peligro ng COVID19.

 “Ang laging pinapaalala natin sa ating mga kababayan ay mag-ingat; magsuot pa rin ng mask; magpabakuna; huwag tumigil sa mga closed areas, dapat iyong free flowing iyong hangin; at saka po social distancing pa rin. Iyon po ang dapat na sundin natin, at higit sa lahat ay engganyuhin po natin na magpa-booster iyong ating mga kababayan kasi mayroon pa tayong 15 million plus na hindi pa nabibigyan ng booster na nabigyan na ng first at saka second dose,” dagdag ni  Atienza.

Ang nilalaban aniya ngayon ay para hindi magkaroon ng malalang COVID kaya dapat na makipagtulungan ang mga hindi pa nakakapagpabakuna para sa kanilang kaligtasan at kaligtasan ng kanilang pamilya at mahal sa buhay na posibleng mahawa sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?