83

Nov 5, 2017 @ 11:54

Grupo hugas-kamay sa credit card modus

Sumulat ang Credit Card Association of the Philippines (CCAP) sa Department of Trade and Industry (DTI) para linawin na wala silang partisipasyon sa anumang ‘promo’ na inaalok sa mga credit card holders.

Sa sulat ni Alex Ilagan, CCAP executive director, kay DTI Asst. Dir. Lilian Salonga sinabi nito na nakakatanggap sila ng mga tawag mula sa mga konsyumer kaugnay sa paggamit sa kanilang grupo ng ilang kumpaniya na nag-aalok ng mga produkto at serbisyo.

Aniya, kaakibat ng alok ay diskuwento, pribelihiyo at eksklusibong serbisyo dahil sa CCAP, ngunit may babayaran ang interesado sa alok sa pamamagitan ng card o credit card.

Nilinaw ni Ilagan na wala silang iniendorso na kumpaniya o indibiduwal upang sila ay maging kuwalipikado sa anumang promo.

Hiniling din nito kay Salonga na agad ipagbigay alam sa kanila kung sakaling may magreklamo bunsod ng naturang modus. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?