672

Nov 22, 2017 @ 16:42
By

GRO nagbigti sa loob ng bar

Ito ngayon ang masusing sinisiyasat ng mga imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) makaraang matagpuang nakabigti ng handle ng bag ang 19-anyos na Guest Relation Officer (GRO) sa bintanang bakal sa loob nang pinagtatrabahuhang bar sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng CIDU-QCPD, ang biktima na si Beverly Baway Kimbong, 19-anyos, tubong General Santos City at stay-in worker sa Kissmet Resto Bar na matatagpuan sa No. 920 Aurora Boulevard, Barangay San Roque, Murphy, Cubao.

Siya ay natagpuang nakabigti ng handle ng bag sa steel bar ng bintana sa ikalawang palapag ng pinagtatrabahunag bar ng kanyang supervisor na nakilalang si Lito Samonte.

Batay sa pahayag ni Samonte kay PO3 Jerome Doliente, imbestigador ng CIDU-QCPD, dakong alas 7:00 ng gabi ay umakyat siya sa kuwarto ng biktima dahil nagtataka umano siya kung bakit hindi pa ito bumaba sa bar.

Nang buksan umano niya ang silid ng biktima ay laking gulat niya nang bumungad sa kanya ang nakabigting katawan ng GRO sa steel bar ng bintana, habang nakapulupot sa leeg nito ang handle ng bag.

Agad umano niyang tinawag ang kanyang mga empleyado na nakilalang sina Rani Mercado at Rose Mangacunia at nang mapulsuhan na buhay pa ang GRO ay isinugod nila ito sa Quirino Memorial Medical Center.

Dakong alas-3:51 ng madaling araw ay idineklara namang patay na ang biktima ng attending physician na nakilalang si Dr. John Kristoffer Japson. Aniya wala umano siyang nakitang external injuries maliban sa marka nang malalim na pagkakasakal sa leeg.

Inaalam pa ng pulisya kung may ‘foul play’ sa umano’y pagpapatiwakal ng nasabing GRO. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?