82
g51
By

Greenbelt 5 nabulabog nang mag-shopping si Duterte

Sharing is caring!

Nataranta ang mga shoppers sa Makati City nang maispatan si Pangulong Rodrigo Duterte nitong weekend na nasa Greenbelt 5.

Biglaan umano ang pagpunta ng Pangulo sa Greenbelt 5 para bumili ng relo pasado alas sais y medya ng gabi noong Sabado matapos pangunahan ang dinner ng mga kalahok sa 51st annual meeting ng Asian Developmeny Bank na ginanap sa EDSA Shangri-La Hotel.

Bagama’t nasorpresa ang mga nasa shopping mall ay agad na dinumog ng mga tao ang Pangulo at ang iba ay nakipag-selfie pa sa kanya.

May mga batang kailangan pang sumampa sa balikat ng kanilang magulang para lamang makita ng malapitan ang Presidente.

Maging ang ilang dayuhang nasa Greenbelt 5 ay nakipagsiksikan din para makipag-selfie kay Pangulong Duterte na pinaunlakan naman nito.

Ayon sa isang opisyal na kasama ng Pangulo, mistulang nagkagulo sa Greenbelt 5 dahil sinugod ng mga tao ang Pangulo at ang iba ay nais makahalik sa kanya.

Kitang-kita sa mga videos na naka-post sa social media kung paano nataranta ang mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) para tiyakin ang seguridad ng Pangulo dahil sa dami ng shoppers na gustong makalapit at makahalik o maka-selfie sa kanya.

Maging ang security personnel ng Ayala Malls ay tumulong na rin para matiyak ang kaligtasan ng Pangulo lalo na nang dumami ang taong nais makita at makalapit sa Presidente.

Umabot umano ng 30 minutos ang Pangulo sa Greenbelt 5 sa Makati City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?