1,007

By

Graphic artist, huli sa pamemeke ng ID sa Greenhills

Buking sa pamemeke ng identification card (ID) ng ilang private schools, universities at establisyimento ang isang graphic artist makaraang mahuli ang isang estudyante na naging kustomer nito sa loob ng mall sa Greenhills, San Juan City.

Batay sa nakalap na report mula kay S/Supt. Dindo Reyes, hepe ng San Juan Police, agad silang nagsagawa ng entrapment operation para mahuli si Angelito Benipayo, 40, graphic artist at residente ng Road 4, Barangay West Crame, San Juan City.

Nabatid na iligal na gumagawa ng mga pekeng ID ang suspek at nag-o-operate sa kanyang tindahan sa loob ng Theater Mall Building, Greenhills Shopping Center, Barangay Greenhills.

Nag-ugat ang pag-aresto kay Benipayo nang mahuli ang isang estudyante na nagpupumilit na pumasok sa loob ng Greenhills Theater Mall subalit pinigilan ng security guard dahil mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok ng naka-uniporme na estudyante at nang hanapan ng ID ay iprinisinta ang pekeng ID ng hindi na pinangalanang unibersidad.

At nang kumpirmahin ang naturang ID ay napag-alamang hindi ito estudyante hanggang sa isiwalat ng 21-anyos na estudyante na pinagawa lamang niya ang ID sa isang print shop na nasa loob ng mall.

Ayon pa kay Reyes, ginagawang front lamang ng suspek ang t-shirt printing business subalit nasa likod nito ang paggawa ng mga pekeng ID at iba pang dokumento.

Nagbabayad umano ang mga nagpapagawa ng pekeng ID ng P350.

Umaabot sa 30 piraso ng mga pekeng ID ang nakumpiska sa loob ng print shop ng suspek at mga printing materials tulad ng computer sets, printers, scanners, laminating film machines at cutters ang kinumpiska rin ng pulisya.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa San Juan detention cell at nahaharap sa kasong falsification of private documents at violation of intellectual property code sa San Juan City Prosecutor’s Office.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?