131

Jan 7, 2022 @ 13:26
By

Granular, house lockdown ikakasa dahil sa pagtaas ng Covid 19

Magpapatupad ang gobyerno ng granular at house lockdowns sa mga lugar na mataas ang kaso ng COVID-19.

Ito ang inireport ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People noong Huwebes ng gabi.

Ayon kay Año, naka-deploy na ang health emergency response teams ng mga barangay dahil sa inaasahang pagtaas pa ng mga tinatamaan ng COVID-19.

Aktibo na aniya ang local government units (LGUs) para sa mas agresibong PDITR o prevent, detect, isolate, treat at reintegrate, kasama na ang vaccine strategy.

“Katulad nga po ng sinabi na kung mayroon pong isang nahawaan, more or less ay buong pamilya na po. Kaya magho-house lockdown tayo. At mayroon naman po tayong enough medical personnel din po. Dahil sa dami po nang hawaan ngayon ay umaasa po tayo sa granular lockdown at house lockdown,” ani Año.

Tiniyak ng kalihim na sapat ang contact tracers sa ngayon para hanapin ang mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa COVID-19.

Inireport din ni Año sa Presidente na nakahanda na ang isolation facilities at ang mga hospital ay irereserba sa mga pasyenteng maselan o delikado ang kundisyon dahil sa COVID-19.

“Sa atin naman pong isolation and treatment, ang atin pong mga quarantine facilities ay naka-ready na rin po ang isolation facilities. At hinihikayat po natin na talagang ‘yung mga severe po lamang ang i-reserve natin sa mga hospital,” dagdag ni Año.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?