600

Granada itinanim sa ABS-CBN newsroom


Natagpuan ang isang fragmentation hand grenade na nakasilid sa plastic bottle at inilagay sa locker malapit sa newsroom ng ABS-CBN sa Mother Ignacia, Diliman, Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya.

Batay sa report sa Quezon City Police District, abala sa paglilinis ang maintenance personnel sa basement ng nasabing malaking TV network nitong nakaraang Martes ng tanghali nang matagpuan ang isang granada.

Sa takot ng maintenance personnel ay agad itong tumakbo sa kanilang security personnel at ipinagbigay-alam ang natagpuang granada.

Agad namang itinawag ng mga guwardiya sa pulisya ang natagpuang granada at mabilis namang nakapag-responde ang mga awtoridad at ligtas na nakuha ang ‘explosive device’ na umano’y maaaring sumabog.

Nabatid na ang natagpuang granada ay isang Belgian-made explosive mula sa ammunition company Poudreries Réunies de Belgique (PRB).

Hanggang sa kasalukuyan ay inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang may-ari at nag-iwan ng granada sa locker malapit sa news room.

Pinayuhan naman ng mga nangangasiwa ng TV network ang kanilang mga empleyado na maging alerto at  mapag-matyag upang maiwasan ang anumang maaaring maging sakuna o aksidente sa loob ng compound.

Dolly B. Cabreza

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?