71

Oct 21, 2017 @ 13:36

Gradual troop pullout sa Marawi — Army chief

Inanunsiyo ni Philippine Army (PA) Commanding General Rolando Bautista na dahan-dahan ang magiging pagbabawas sa bilang ng mga sundalo sa Marawi City.

Sa isinagawang welcome honors ceremony Biyernes ng gabi sa Army Grandstand sa Fort Bonifacio, Makati City, sinalubong at pinapurihan nang husto ni Bautista ang unang batch ng nagbalik na mga opisyal at tauhan ng 1st Infantry Battalion ng 2nd Infantry Division.

Sa seremonya, sinabi ni Bautista na sa susunod na linggo, ang mga nagmula naman sa AFP-Southern Luzon Command (SOLCOM) ang pababalikin.

“Gradual ang pagbabawas ang gagawin natin. Hanggang hindi pa natatapos ang trabaho ng sundalo sa Marawi.

Inaanyayahan ko ang lahat na sabay-sabay tayong manalangin para sa mga natitirang sundalo doon,” banggit ni Bautista.

Sinabi pa ng opisyal sa mga sundalo na kaya sila ang unang pinabalik ay dahil sasabak agad sila sa panibagong misyon.

Tutulong ang mga umuwing sundalo sa pagbibigay-seguridad sa isasagawang ASEAN Summit sa darating na Nobyembre.

Binanggit pa ni Bautista na bukas ay sasailalim na sa pagsasanay ang mga sundalo sa counter terrorism sa ilalim ng pangangasiwa ng mga Australian military expert. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?