62

Jun 23, 2022 @ 16:35

Grab rider na-fake booking, pulis nag-ambagan sa inabono ng biktima

Trending ang isang video ng isang netizen kung saan nagreklamo sa pulisya ang Grab rider dahil nabiktima ito ng fake booking at kalaunan ay pinag-ambagan na lamang ng mga pulis ang inabono nito.

Sa paskil ni Citnad Patrizia sa Facebook nitong Lunes, ikinuwento niya ang kanyang nasaksihan sa pagitan ng rider na na-fake booking at ng mga pulis ng Cybercrime Division Pasig.

“Kanina habang ako ay nasa police station ng cybercrime sa pasig upang magdala ng aking panindang burger meron akong nakitang isang Grab delivery rider na biktima ng fake booking, napansin ko sa Grab driver na naiiyak siya habang kausap ang isang pulis, kaya naisip ko na kunan ng video upang maging babala sa ibang delivery driver,” pauna ng nagpaskil.

Naririnig umano niya na nag-uusap ang rider at ang pulis. Isinalaysay ng biktima nang dalhin niya na ang pagkain ay wala palang ganoong address sa lugar.

“Habang ako ay nagvivideo, narining ko si kuya na Grab driver habang kausap niya ang isang pulis, my nag book daw kanya at nag order ng Jollibee, nung dinala niya iyon sa address ay wala pa lang ganun na address sa lugar kaya humingi siya ng tulong sa isang barangay tanod at sinabi daw sa kanya na ireport sa cybercrime sa caniogan ang nangyari sa kanya. Habang pinagmamasdan ko ang Grab driver ay naiiyak ito, maya maya ay may biglang may lumabas na isang pulis sa opisina at kinausap si kuya na Grab driver, Tinanong siya ng pulis kung magkano ang inabono ni kuya Grab driver, sabi ni kuya grab ay unang costumer pa lang niya at pinapaikot lang niya ang kinikita niya pag my nag order,” aniya.

Pinag-ambagan na lamang ng mga pulis ang pagkain upang maibalik ang inabono ng Grab rider.

“Kitang kita ko sa mga mata ni kuaya Grab driver ang lungkot at ako ay naawa sa kanya. Ilang sandali ay lumabas uli ang pulis na kumausap kay kuya Grab driver at sinabi nito na nag ambagan ang mga kasamahan niya ng pera at bibilihin na lang daw nila ang Jollibee na dala niya. Nuong oras na iyon ay Nakita ko si kuya Grab driver na masayang masaya habang nagpapasalamat sa mga pulis ng cybercrime, sabi pa ni kuya Grab driver na malaking tulong daw sa pamilya niya iyong pera na iyon dahil pambili niya ng gamot sa baby niyang bagong panganak,” saad niya.

Tuwang-tuwa naman ang nagpaskil sa mga pulis ng Cybercrime Division Pasig dahil sa kanilang ginawang pagtulong sa biktima ng fake booking.

“Halos maluha ako sa ginawa ng mga pulis sa cybercrime dahil sa simpleng pagtulong ay napasaya nila si kuyang Grab driver. Sana tularan po kayo ng lahat ng Filipino. SALAMAT PO SA PULIS NG CYBERCRIME PASIG, MABUHAY PO KAYONG LAHAT!!!” pagtatapos niya.

Viva Hot Babe Sheree Bautista @ Tambayan ng Tsika!

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?