16
views
grab
By

Grab, pinagpapaliwanag ng LTFRB sa P2 per minute charge

Sharing is caring!

Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operator ng Grab Philippines na MY TAXI.PH Inc., kung bakit hindi dapat kanselahin ang akreditasyon nito sa reklamong ‘overcharging’ sa mga pasahero sa rate na P2 per minute ng travel time.

Naglabas ang LTFRB ng show cause order laban sa Grab at inutusan na magsumite ng paliwanag sa pamamagitan ng kasulatan sa loob ng limang araw pagkatapos na matanggap ang naturang order.

Ang kautusan ng LTFRB ay makaraang dagsain sila ng mga reklamo mula sa mga mananakay ng Grab na nagdagdag ng P2 kada minuto na singil ang mga driver nito, bukod pa sa P40 flagdown rate at patak na P10-P14 kada kilometro.

Magugunitang kamakailan ay nagpahayag ang Grab na nanganganib na mawalan ng kita ang humigit-kumulang sa 40,000 Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers sa oras na maipatupad ang supply cap na iniutos ng LTFRB na lilimitahan na lang sa 45,000 units ang Grab at Uber na bibiyahe sa Metro Manila.

Ito umano ang pinangangambahang magiging dahilan ng kakulangan ng mga unit at posibleng tumaas ang babayarang pamasahe dahil dito.

Una nang sinabi ni Leo Gonzales, tagapagsalita at public affairs head ng Grab, tatamaan ang mahigit 20,000 drivers nila na karamihan ay part-timers.

Sa ngayon ay nasa 60,000-65,000 umano ang kanilang mga driver at 23,000 ang active o pumapasada araw-araw.

Kung 45,000 lang ang papayagan ng LTFRB, kalahati pa roon ang Uber na sa ngayon ay mayroong mahigit 60,000 na driver.

“You have to consider days off, you have to consider not everyone goes online everyday kasi most are part-time so that number will diminish, so talagang liliit ang supply,” paliwanag ni Gonzales sa isang panayam sa telebisyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?