165

Oct 30, 2017 @ 19:26

Grab nag-alok ng P100K reward sa killer ng model driver

Naglaan ang Grab Philippines ng P100,000 pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang mga pumatay sa kanilang model driver na si Gerardo “Junjie” Maquidato Jr.

Sinabi ng pinuno ng Grab na pananagutan nila na mapanagot ang mga kriminal.

“I think it’s within our responsibility to do whatever we can para hulihin po ang perpetrator ng crime na ito,” ayon kay Grab Philippines country head Brian Cu.

“Nakausap ko po ang misis nya. Ang simpleng hiling lang nya ay mabigyan ng justice po si Junjie at mahuli ang duwag na pumatay sa kanya,” pahayag ni Cu.

Tiniyak ni Cu na nakikipagtulungan sila sa pambansang pulisya dahil may nakakalap din silang impormasyon.

“Hindi na kayo magtatagal dito. Mahuhuli kayo at mahuhuli. Nasa amin ang data. Nakita namin kung saan kayo dumaan, san niyo binaba,” pahayag ni Cu ukol sa mga pumatay kay Maquidato.

Pinatay si Maquidato noong nakaraang Huwebes sa Bonanza Street sa Pasay City.

Sa inisyal na imbestigasyon, mayroon umanong nakarinig ng putok 7:50 ng gabi at nakita na itinulak palabas ng silver na Toyota Innova ang isang lalaki na hindi na gumagalaw.

Kinilala si Maquidato na model driver at good samaritan dahil tumulong at hindi nagpabayad sa pasahero na kinaawaan dahil kukuha ng kailangang dugo sa isang ospital sa Quezon City. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?