166

Jun 6, 2019 @ 16:00
By

Grab driver, utol, kalaboso sa P168K ng kush

Nakumpiska ang aabot sa 112 gramo ng imported marijuana o mas kilalang ‘kush’ na nagkakahalaga ng P168,000 ang isang Grab driver at utol nito sa isinagawang ‘buy-bust’ operation ng mga awtoridad sa Quezon City, Huwebes ng umaga.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Police Brigadier General Joselito T. Esquivel Jr., ang nadakip na magkapatid na sina Jason King, 46 at Bryan, 44, Grab driver kapwa residente ng No. 224 Lords Candle St.,Brgy. Paso de Blas, Valenzuela City.

Ayon kay Esquivel. nadakip ang magkapatid dakong alas-5 ng umaga (June 6) sa Mindanao Avenue, Brgy. Bahay Toro, sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Batasan Police station 6 na pinamumunuan ni Police Lt. Col. Joel Villanueva.

Matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa pagkakasangkot ng magkapatid sa iligal na droga, isang pulis ang tumayong buyer at nagpanggap na bibili ng halagang P70,000 ng Kush.

Habang nasa gitna ng transaksiyon at iniaabot na ng magkapatid ang Kush ay agad nagsilabasan mula sa pinagkukublihan ang mga awtoridad na kasama ng ‘poseur buyer’ at dinakma ang magkapatid na sakay ng kulay gray na Toyota Fortuner na may plakang APA-7148.

Nasamsam sa magkapatid ang apat na zip lock transparent plastic sachets na naglalaman ng 112 gramo ng Kush na may 112 grams na may street value na P168.000 at ang sasakyan nilang Toyota Fortuner.

Ang magkapatid ay nakapiit ngayon sa Batasan Police Station 6 habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?