96

Oct 18, 2017 @ 15:24

Grab driver, sumalpok dahil sa antok

Bumangga sa center island ng Legarda St., sa bahagi ng Santa Catalina College ang sasakyang minamaneho ng isang Grab car driver dahil sa labis na antok.

Pagarahe na sana ang tsuper na si Jiovanni Agustin, 28-anyos, matapos ihatid ang kanyang pasahero alas-12:00 ng hatinggabi nang bigla itong mapapikit dahil sa labis na puyat sa pag-o-overtime.

Dahil dito ay hindi niya na namalayan na wala na pala sa linya ang minamaneho niyang Toyota Innova at sa sobrang gilid ay inararo nito ang harang na bakal sa ilalim ng Legarda LRT 2.

Dahil dito, nawasak ang harapang bahagi ng sasakyan, pati na rin ang side mirror habang pumutok naman ang dalawang gulong nito.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Manila Traffic Bureau sa insidente.

Hinatak ang bumanggang sasakyan at agad nilinis ang lugar para hindi na makaabala pa sa mga dumadaan na motorista.

Ligtas naman ang driver na nagtamo lang ng minor injury sa kanang kamay. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?