200

Nov 8, 2017 @ 15:38
By

Grab driver, nanlaban kaya pinatay

Nanlaban umano kaya pinatay ng suspek na si Narc Tulod Delemios ang Grab driver na si Gerardo Maquidato Jr.

Ito ang inamin ng suspek matapos na iprisinta sa media sa Camp Crame, ang national headquarters ng Philippine National Police (PNP).

Sa mensahe ni Delemios, humingi siya ng tawad sa pamilya ni Maquidato at iginiit na nanlaban ang biktima.

“Alam ko po mahirap ako mapatawad ng pamilya, hindi ko po alam na siya ay good samaritan, humingi po ako ng pasensya pero mahirap na po talaga maibalik, pera lang po ang gusto ko kunin sa kanya pero nanlaban po siya kaya nagawa ko po ang krimen,” sabi ni Delemios.

Habang hindi naman mapigilan ng asawa ng biktima na si Brenda Maquidato ang mapaiyak nang makaharap ang suspek.
Dito niya sinumbatan ang suspek at sinabing hindi nanlaban ang kanyang asawa at marami pa itong pangarap sa kanyang mga anak at buong pamilya.

“Alam ko hindi nanlaban ang asawa ko, paano mo nagawa ‘yun? Alam ko gusto niya bumalik sa pamilya niya sana kinuha mo na lahat, bakit hindi mo pinagbigyan na mabuhay siya? Ang dami niyang pangarap sa mga anak namin, sa pamilya namin, bakit mo ginawa ito?” sabi ni Brenda.

Si Gerardo ay pinatay ni Delemios noong Oktubre 6 matapos na mag-book ang huli sa Grab para maging pasahero ng una.
Kaugnay nito, iniutos naman ni PNP Chief Ronald dela Rosa na agad isailalim sa drug test ang suspek.

Panghoholdap naman ang nakikitang motibo sa pamamaslang ng suspek sa biktima. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?