26

By

‘Goyo’ mas ginastusan kaysa ‘Heneral Luna’

Sharing is caring!

Palabas na ngayon ang pelikulang ‘Goyo: Ang Batang Heneral’ na pinagbibidahan ni Paulo Avelino.

Ipinagmamalaki ni Mon Confiado ang pelikulang ito na bukod sa Graded-A ng Cinema Evaluation Board (CEB), tinukoy niya ang laki ng casts at ng sakop nito.

Si Mon ay nagbabalik dito bilang si Heneral Emilio Aguinaldo. Ayon kay Mon, mas malaki ang pelikulang ito, kumpara sa Heneral Luna.

Anang versatile na actor, “Mas malaki ang Goyo in all terms. Sa Production cost, cinema scope. Mas malaki rin ang cast. Mas mahal ang pagkakagawa at ginastos sa Goyo kaysa Heneral Luna, halos triple.

“Mas malawak ang visual ng pelikula. Para itong time machine, dadalhin ka talaga ng pelikula at mararamdaman mo na nasa 1899 era ka talaga at kasama ka nila.”

Pahabol pa ni Mon, “Definitely ay mas maraming cast at stars. Kaya siya mas malaki sa Heneral Luna.”

Ano ang kaibahan ng Heneral Luna sa Goyo, sa role niya, at sa atakeng ginawa niya rito?

“Actually magkaiba talaga ang Goyo at Heneral Luna, although pareho silang nasa American war era. Ang Heneral Luna ay mas matapang, mas maangas, mas loud at gory. Pero ang Goyo ay mas tahimik, mas malalim, mas psychological.

“Kung sa Heneral Luna ay direktang sinasabi ang mensahe o direktang nagmumura. Ang Goyo ay mag-iiwan ng maraming katanungan sa pagka-Filipino natin.

“Ang Heneral Luna ang naka-focus kay Antonio Luna na may ibang personality. At siyempre, ang Goyo naman ay kay Gregorio del Pilar na definitely, iba rin ang personality,” esplika niya.

Pagpapatuloy pa ni Mon, “Tungkol naman sa atakeng ginawa ko… wala akong puwedeng baguhin sa atake ko. Ang challenge para sa akin ay ang consistency ng ginawa ko sa Heneral Luna. Kasi, dapat isang tao lang ang makita nila sa Goyo at Luna. Si Emilio Aguinaldo pa rin ako in both films.”

Ang Goyo: Ang Batang Heneral ay mula sa pamamahala ni Direk Jerrold Tarog at tinatampukan din nina Epi Quizon, Carlo Aquino, Matt Evans, Gwen Zamora, Empress Schuck, Rafa Siguion-Reyna, Arron Villaflor, Alvin Anson, Art Acuña, Ronnie Lazaro, Perla Bautista, Benjamin Alves, at iba pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?