53

Jan 5, 2022 @ 19:06
By

Gov’t fund na napunta sa PATAFA pinapa-audit

Itinutulak ng isang solon ang special audit sa pondo ng gobyerno na napunta sa Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) at iba pang national sports association (NSA) sa bansa.

Para kay Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun hindi sapat ang panawagang special election upang palitan si PATAFA president Philip Juico bagamat isa umano itong magandang panimula ng pagbabago.

Sinabi ni Fortun na lalong hindi nakabuti ang hakbang ng PATAFA na alisin ang pole vaulter na si Ernest John Obiena sa national team lalo at isa siya sa maaaring magdagdag ng gintong medalya ng Pilipinas sa larangan ng sports.

“PATAFA must be stopped now but without endangering the ongoing training of Obiena and all other athletes on the national pool,” sabi ni Fortun sa isang pahayag.

Ayon kay Fortun mahalaga na malaman kung magkano at saan napunta ang pondo ng bayan na ibinigay sa mga NSA.

Hiniling din ni Fortun sa Philippine Sports Commission (PSC) at Department of Budget and Management (DBM) na pansamantalang ihinto ang administrative at personnel subsidy sa tanggapan ng Office of the PATAFA President.

Nanawagan din si Fortun sa Philippine Olympic Committee (POC) na paamyendahan ang charter o articles of incorporation and bylaws ng mga NSA para maipagbawal ang pag-upo ng mahigit sa dalawang sunod na termino ng pangulo, chairperson, secretary-general, at treasurer ng mga ito.

“Individuals running for president, chairman, secretary-general, and treasurer must not be relatives of each other up to the 4th degree,” dagdag pa ni Fortun.

Dapat umano ay mayroong kinatawan ng mga atleta sa bawat board of director ng NSA bukod sa pagkakaroon ng miyembro na isang retiradong hurado ng Korte Suprema o appellate court.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?