95
dick-gordon
Oct 19, 2017 @ 22:02

Gordon sinampahan ni Trillanes ng ethics complaint

Nagharap si Senador Antonio Trillanes ng ethics complaint laban kay Senador Richard Gordon.

Sa 27 pahinang reklamo, sinabi ni Trillanes na dapat disiplinahin ng Senado si Gordon dahil mabunganga, hambog at at walang respeto sa mga tulad niyang kasapi ng Senate minority bloc.

Nilabag umano ni Gordon ang Rules ng Senado, ang Revised Penal Code, Code of Conduct of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at pati na ang Lawyer’s Code of Professional Responsibility.

Tinukoy sa reklamo ni Trillanes ang naging pagtatalo nila ni Gordon sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa smuggling ng 604 kilo ng shabu na nasabat sa Valenzuela City.

Sa pagdinig na ito, sinabi ni Trillanes na nagiging “comite de absuelto” ang kumite dahil kay Gordon matapos nilang pagtalunan ang pag iimbita kina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Manases Carpio, asawa ni Mayor Sarah Duterte.

Ayon kay Trillanes, nagkaroon noon ng pagtatalo dahil sa name calling, pag aakusa ng masamang motibo at hindi pagpapasingit ni Gordon sa pagsasalita sa committee hearing.

Inakusahan din nito si Gordon ng pagkiling dahil ayaw noong ipaimbita ang anak at manugang ni Pangulong Duterte sa pagdinig pero napakabilis na mag-isyu ng subpoena sa ibang kailangan sa pagdinig.

Inireklamo rin ni Trillanes ang pambabastos umano ni Gordon kay Senador Leila de Lima sa pagdinig ng Senate committee on justice and human rights noong Oktubre 2016.

Inakusahan noon ni Gordon si De lima ng sadyang pagpapa-alis mula sa Senado kay Edgar Matobatoy, umano’y hitman ng Davao Death Squad, na balak sanang komprontahin noon.

Hindi raw noon halos nakapagpaliwanagan dahil ayaw ni Gordon na magpasingit sa pagsasalita.

Ayon kay Trillanes, umaakto lagi si Gordon na accuser, prosecutor at judge sa mga pagdinig ng Senado kung saan lagi aniya itong nagmo-monologue.

Ipinagyayabang din umano lagi ni Gordon sa mga pagdinig na ito ay abogado para buskahin ang mga senador na hindi abogado.

Ang ethics complaint ay bwelta ni Trillanes sa ethics complaint na isinampa laban sa kaniya ni Gordon kamakailan.

“The words and/or language used by respondent Sen. Gordon, are in the nature of offensive or improper language and/or imputations, which can properly be declared as unparliamentary,” sabi ni Trillanes. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?