99

Dec 7, 2017 @ 16:03
By

Gordon: Pagbili ng Dengvaxia, sinalamangka ng Aquino gov’t

Nanawagan ngayon ni Senador Richard Gordon sa Office of the Ombudsman na magsagawa na ng sariling imbestigasyon kaugnay ng pagpapabili ng Aquino administration ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Pinatututukan sa Ombudsman ang diumano ay pagmamadali noon na mabili ang bakuna matapos ang pakikipagpulong umano ni dating Pangulong Benigno Aquino III sa mga opisyal ng manufacturer ng bakuna na Sanofi Pasteur.

Pinasesentruhan din ang diumano ay mabilisang pagpapalabas ng pondo para sa bakuna na hindi pinaaprubahan sa Kongreso sa pamamagitan ng pambasang budget.

“Siyempre, magkakaroon ng role ang Ombudsman dahil lumalabas na talagang minadali, sinalamangka ‘yung pera kasi inilipat, mula sa ibang alokasyon dinala sa bakuna, hindi dumaan sa Kongreso,” ayon kay Gordon.

Sa impormasyon ng senador, ang P3.5 bilyon na ipinambili ng Dengvaxia ay inilipat sa pamamagitan ng Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklara ng korte Suprema na labag sa Konstitusyon.

Una nang itinakda ni Gordon sa Lunes, Disyembre 11, ang pagdinig ng Senate blue ribbon committee ukol sa pagbili ng bakuna.

Idiniin na hindi ito maaring ipagwalang bahala dahil inilagay sa panganib ang buhay ng higit 700,000 paslit na binakunahan ng Dengvaxia kahit hindi pa ito garantisadong ligtas gamitin.

Sa pagsisiyasat dito, maari umanong matundon ang mga batas na kailangang baguhin at maari rin silang magrekumenda ng pagsasampa ng kaso laban sa mga nagpabili at nagpagamit ng bakuna.

“Dahil diyan lalabas ang maraming kaso na negligence, recklessness imprudence, leven outright, talagang homicide, multiple homicide kung maraming mamamatay,” pahayag ni Gordon sa panayam ng Super Radyo DZBB. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?