104

Oct 5, 2021 @ 15:41
By

Gordon masyadong malisyoso – Go

Binuweltahan ni Senador Christopher “Bong” Go si Senador Richard Gordon dahil sa pagpuna ng huli sa pagpunta nila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang mamahaling tindahan ng relo matapos maghain ng certificate of candidacy (COC) sa pagka-bise presidente noong Sabado.

“Pagkatapos ko mag-file ng Certificate of Candidacy at pagkatapos rin mag-announce si PRRD ng kanyang planong mag-retire na sa pulitika after his term, nagyaya siya na dumaan muna nang saglit sa mall na matagal na niyang hindi napupuntahan bago umuwi,” sabi ni Go sa isang statement.

“Kita naman kahit sa picture na nasa telepono pa rin ako at nagtatrabaho pa rin. May mga iilan ring lumapit para magpa-picture sa kanya at in-entertain rin naman niya,” dagdag pa nito.

Depensa ni Go, nagtungo sila ng pangulo sa isang mall pero saglit lang iyon at hindi umano sila bumili ng mamahaling relo kundi “cookies” lang.

“Mabilis lang kami dun at wala rin kaming binili bukod sa cookies dahil gusto lang talaga ni Pangulo na mag-ikot at maglakad-lakad. Ilang buwan na rin siyang hindi nakakalabas, nakakulong at puro trabaho,” sabi ng dating presidential aide ng Pangulo.

“Pati ba naman ‘yung pagpunta niya ng mall, gagawan pa ng malisya. Karapatan naman ng sinuman iyon,” sambit pa nito.

“Sabi nga ng Pangulo, konti na lang at matatapos na ang kanyang termino. Makakapahinga na daw siya. He is excited to return to being an ordinary citizen after decades in public service,” dagdag pa nio Go.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee tungkol sa pagbili ng gobyerno ng Covid-19 medical supply, binanggit ni Gordon ang mga mamahaling sasakyan na binili ng mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp.,

“Ang gaganda at mamahalin. Meron po tayong tinatawag sa Civil Code, conspicuous consumption in times of crisis. May krisis po tayo, nakuha pa nilang bumili,” sabi ni Gordon.

“Parang yung President at saka Sec. [Sen.] Bong Go na matapos silang mag-file ng candidacy, hindi ko maintindihan bakit sila nagpunta sa isang gusali na nagtitinda ng mamahaling mga relo doon sa isang mamahalin na department store,” pagpapatuloy pa niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?