793

Aug 14, 2018 @ 12:24
By

Gordon: Kulelat sa rating ang Kilos Pronto ng mga Tulfo

Kinastigo ni Senador Richard Gordon sina Tourism Secretary Wanda Tulfo Teo at PTV4 President and General Manager Dino Antonio Apolonio dahil nagbayad ng milyon-milyon para sa patalastas sa programa nina Ben Tulfo at Erwin Tulfo na kulelat naman sa TV ratings.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, pinuna ni Gordon na pang- No. 87 lang ang Kilos Pronto, programa nina Ben at Erwin, sa lahat ng mga palabas sa telebisyon.

Nasa No. 37 naman ito sa mga programa ng PTV4.

Tanong ni Gordon kung bakit hindi nagpasok ang Department of Tourism at PTV4 ng tourism advertisements sa mga programa na mataas ang rating gaya ng lotto na number 1 sa PTV4.

Sa ulat ng Commission on Audit, nagbayad ang DOT ng P114 milyon para sa mga patalastas sa mga programa ng PTV4.

Ang 75% nito o P89 milyon ay para sa Kilos Pronto.

Ayon kay Norma Aquino, COA Supervising Auditor, walang cost-benefit analysis sa pagpapasok ng mga DOT advertisements.

Nakitaan din nila ang advertising contract ng “possible conflict of interest” dahil mga kapatid ng DOT Secretary ang nakakuha ng advertising contract.

Samantala, sinabi ni Apolonio na P20 milyon ang kinita ng PTV4 mula sa DOT-PTV4 contract.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?