1,594
sonny-trillanes-dick-gordon
By

Gordon kay Trillanes: Di ako papatol sa baboy!

Sharing is caring!

Nagpalitan ng maaanghang na salita sina Senador Richard Gordon at Senador Antonio Trillanes IV sa kasunod ng paglabas ng draft committee report ng Senate blue ribbon committee ukol sa Dengvaxia controversy kung saan pinakakasuhan si dating Pangulong Benigno Aquino Jr.

Sinabi ni Trillanes na puro opinyon lang ni Gordon ang laman ng report dahil ito lang ang nagsalita sa 90 porsiyento ng oras ng mga pagdinig ng Senate blue ribbon committee.

Sa panayam ng Super Radyo DZBB, sinabi ni Gordon na hindi siya papatol sa taong nagdulot ng kahihiyan sa bansa dahil sa pagkukudeta.

“Ganun din siya kung tirahin n’ya ako. Kung laitin niya ako ganun na lang. Hindi ako makikipagbuno sa ganyan. Sabi ng nanay at tatay ko, parang kapag nakipagbuno ka sa baboy talo ka pa rin,” ani Gordon.

“Bakit, may putik ka pa rin. Mahilig sa putik ‘yan eh. Ikaw dapat hindi ka mahilig sa putik,” dagdag nito.

Inungkat pa ni Gordon ang pagbibigay ni Aquino ng amnestiya kay Trillanes at mga kasamahan nito nag-aklas laban sa Arroyo administration.

Dapat aniya ay pinarusahan ang mga ito sa halip na pinakawalan.

Sagot naman ni Trillanes sa panayam din sa radyo, nagbayad siya ng pito’t kalahating taon sa anumang ginawa niya sa nakalipas.

Galit lang umano sa kaniya si Gordon dahil bumabalik na rito ang sariling mga kasalanan.

Tinawag niyang “enabler” ng patayan sa drug war si Gordon dahil sumusuporta kay Pangulong Duterte at inabsuwelto ang anak ng pangulo na si Paolo Duterte sa drug dealing.

“Ngitngit na lang ‘yang si Senator Gordon kasi talagang bumabalandra sa kaniya yung ginagawa niya,” ani Trillanes.

Idiin na nagpapasalamat siya sa amnestiya na ibinigay ni Aquino pero hindi umano iyon umawat sa kaniyang pagpuna sa ilang desisyon ng dating pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?