154
tnt_gordon
By

Trillanes sasampahan ng plunder case si Gordon

Itutuloy na bukas ni Senador Antonio Trillanes ang pagsasampa ng reklamong plunder laban sa kabangayan niyang si Senador Richard Gordon.

Ayon kay Trillanes, ang isasampa niyang reklamo ay kaugnay ng pagsasamantala ni Gordon sa pondo ng Philippine National Red Cross (PNRC) kung saan matagal na itong chairman.

Sa pulong balitaan sa Senado, sinabi ni Trillanes na isa sa batayan ng reklamong plunder ang pagpapabigay ni Gordon ng pork barrel funds sa PNRC noong unang termino nito bilang senador.

“Nung first term niya bilang senador, nag-allocate siya ng pondo sa Red Cross. Bawal yun, parang Napoles pork barrel scam. Kung titingnan mo parang walang problema kasi Red Cross ‘yun, ang problema siya ang nagdi-disburse ng pondo,” pahayag ni Trillanes.

Nagkaroon din umano ng maanumalyang “land deals” ang PNRC sa pamumuno ni Gordon at may ginamit ding pondo nito para sa kamanya ni Gordon noong tumakbo sa pagkapangulo nung taong 2010.

“Yes, kaya nga plunder ang ikakaso natin,” tugon nito sa tanong kung may pruwebang ibinulsa ni Gordon ang pondo ng PNRC.

Matapos ihain ang reklamo sa Ombudsman, susulatan ni Trillanes ang International Federation of Red Cross (IFRC) para paimbestigahan si Gordon habang hihilingin din nya sa Commission on Audit (COA) na magsagawa ng special audit sa lahat ng pondo ng gobyerno na ibinigay sa Red Cross.

Igigiit din nya sa Senado na sipain si Gordon bilang chairman ng Blue Ribbon Committee at ng Justice and Human Rights Committee, liban na lang kung magkusang magbitiw si Gordon.

Wala pang tugon si Gordon sa mga alegasyon ni Trillanes.

Sina Gordon at Trillanes ay nagsampa na ng reklamo laban sa isa’t isa sa Senate committee on ethics and privileges.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?