134

Dec 15, 2017 @ 18:53
By

Gordon dedma sa batikos sa kanyang pag-monologue sa Dengvaxia inquiry

Binalewala ni Senador Richard Gordon ang bumahang batikos sa pangunguna niya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon ukol sa Dengvaxia kung saan halos hindi siya masingitan ng mga kapwa senador sa pagsasalita at sa pagtatanong sa mga bisita.

Ayon kay Gordon, hindi lang naiintindihan ng mga kritiko ang kanyang trabaho bilang chairman ng Blue Ribbon Committee kung saan kailangan daw niyang umakto na parang district attorney gaya sa Estados Unidos.

“I think it’s lack of knowledge and understanding that somebody has got to be parang a district atty. Somebody has got to lay the predicate, the facts of the case and the issues involved and I think we did that,” pahayag ng senador.

Kung may bumatikos sa kanya, marami rin naman umanong tumawag sa kanya at pinuri ang kanyang pangunguna sa pagdinig habang may pumuna na masyado raw siyang naging mabait kay dating Pangulong Benigno Aquino III.

“I also got a lot of very, very favorable comments and I thank them,” diin nito.

Itinanggi naman nito na sinadya niyang imonopolya ang pagdinig at itinanggi ring pinagkaitan niya ang mga kapwa senador ng pagkakataong magsalita.

Nakita naman aniya ng publiko na nakapagtanong sa pagdinig si Senate Minority Leader Franklin Drilon at ang iba pang senador na hindi naman daw mabubusalan ng sinuman kung gustong magsalita.

“You know you cannot stop Sen. Drilon from asking questions. I don’t think I can stop him. I don’t think I can stop Sen. Risa Hontiveros from asking questions,” pahayag ni Gordon.

Sa magkakahiwalay na panayam, ipinahayag nina Drilon, Hontiveros at Sen. Kiko Pangilinan ang pagkadismaya dahil hindi sila nakabuwelo sa pagkompronta sa mga idinadawit sa kontrobersya ukol sa Dengvaxia.

Ayon kay Gordon, kung sa tingin ng mga kritikong senador ay mas magaling kaysa kanya, buong puso raw niyang ipauubaya ang Blue Ribbon Committee.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?