166

Nov 8, 2017 @ 15:27
By

Gordon: Bintang ni Trillanes, fake news!

Hindi umano nasindak si Senador Richard Gordon sa pagsasampa laban sa kaniya ni Senador Antonio Trillanes ng mga reklamong plunder at katiwalian sa Ombudsman.

Ayon kay Gordon, “fake news” naman ang mga paratang laban sa kaniya ni Trillanes na sa kaniyang tingin ay nagpapapansin lamang.

“Here we go again. Palagi namang ganyan ‘yan, di ba? Fake news na naman yan. Ang reality, tumutulong tayo sa mga nahihirapan,” pahayag ni Gordon.

“Ang gusto niya (Trillanes) publicity, sensationalism. Ipagdadasal ko na lang siya. Hindi niya alam ang ginagawa niya,” dagdag ni Gordon.

Si Gordon ay sinampahan ni Trillanes sa Ombudsman kanina ng mga kasong katiwalian, plunder at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials.

Inakusahan ito ni Trillanes ng pagsasalin ng pork barrel funds sa Philippine Red Cross na ang mga naging programa ay ginamit umano sa kampanya ni Gordon noong kumandidato sa pagka-pangulo noong 2010 at sa pagka-senador noong 2013.

Ang dalawa ay nagsampa ng ethics complaint laban sa isa’t isa.

Hiningi ni Gordon sa Senate ethics committee na patalsikin si Trillanes bilang senador dahil sa umano’y pambabastos sa kaniya at sana tinawag nitong “comite de absuelto.”

Iginiit naman ni Trillanes na displinahin si Gordon dahil sa umanoy pambabastos sa kaniya at sa pagm-monologue at pagmaniobra sa mga pagdinig-publiko ng pinamumunuan nito na Blue ribbon committee at Justice and human rights committee. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?