8,985

Jul 30, 2018 @ 20:26
By

Gordon ayaw nang imbestigahan ang ads deal ng DOT

Ayaw ni Senador Richard Gordon na mag-imbestiga pa ang Senado sa diumano’y tiwaling advertising contract ng Department of Tourism (DOT) at ng Bitag Media Unlimited.

Kalihim pa ng DOT si Wanda Tulfo Teo nang magbayad ang ahensya ng P60 milyon para sa mga patalastas sa programa sa PTV 4 ng mga kapatid na sina Ben at Erwin Tulfo.

“Ang dami-dami na naming imbestigasyon. Kasuhan na lang nila,” tugon ni Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon committee.

Dahil dito, sinabi ni Senador Antonio Trillanes na igigiit niyang ilipat ng ibang komite ang inihain niyang resolusyon na humihingi ng imbestigasyon sa diumano’y katiwalian sa DOT noong panahon ni Tulfo-Teo.

Napunta na iyon sa Committee on Tourism pero nalipat sa Blue Ribbon na pinamumunuan ni Gordon.

“Ganun na lang ang gawin natin. Ilipat ng komite. Ito ay para malaman natin kung gaano pa kalalim ang nangyayaring corruptions sa DOT at kung ganito na palagi nang napagtatakpan hindi natin malalaman kung ilang daang milyon pa ang nakulimbat,” sabi ni Trillanes.

Una nang sinabi ni Trillanes na kakasuhan niya ng plunder dahil dito sina Teo at mga kapatid nito na sina Ben at Erwin Tulfo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?