dick-gordon

Gordon, ayaw makulong si Noynoy pero gustong kasuhan ng graft

Sharing is caring!

Nilinaw ni Senador Richard Gordon na hindi niya gustong makulong si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III subalit kailangan umanong managot sa kanyang naging papel sa Dengvaxia controversy.

“I don’t want to wish Noynoy na makulong siya. Kaya hindi plunder e. Wala akong ebidensya na kumuha siya ng P50 million. Anti-graft, meron akong ebidensya. That’s one to 10 years ang kulong diyan,” pahayag ni Gordon, chairman ng Senate blue ribbon committee sa dzBB.

“Ayokong makulong, nakakahiya na ang bayan natin, palaging may kaso ang presidente. Pero nangyayari eh,” dagdag nito.

Ayon pa sa senador, bagama’t walang ibinulsa si Aquino sa kontrobersiyal na anti-dengue program, ang kanya umanong ginawa ay may katapat na pananagutan.

“Una ginawa mo, inudyukan mo iyong mga tao mo. Hindi ka dapat magpapakita na pinaburan mo ‘yon eh. Nakipag-meeting ka, siyempre susunod na iyong mga tao. Tapos ikaw ang nagpalabas ng pera,” sabi ni Gordon.

“Hindi ko sinabi na ninakaw nila. Ito ang kataka-taka, last two minutes na ang administrasyon, naglabas ka ng P3.5 billion na hindi pa hinog para sa Dengvaxia. Hindi mo pinag-ingatan ang karapatan ng mga nanay, ng mga bata,” saad pa nito.

Nauna nang inirekomenda ni Gordon sa committee report na kasuhan ng graft sina Aquino, dating Health Secretary Janette Garin at dating Budget Secretary Florencio Abad kaugnay ng pagpapatupad ng kontroversiyal na dengue vaccination program.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?