71

Jul 16, 2021 @ 17:09
By

Google, 2 YouTube channel kinasuhan ni Pangilinan

Naghain si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ng cybercrime cases laban sa Google Philippines at YouTube channel na “Starlet” at “Latest Chika” dahil sa sangkatutak na fake news at pamanirang mga video tungkol sa kanilang pamilya.

“Ang pamilya ko ang buhay ko. Gagawin ko ang lahat para protektahan sila,” pahayag ni Pangilinan na personal na nagtungo sa Department of Justice para isampa ang reklamo.

Ayon sa senador, hindi umano binigyang-pansin ang kanyang kahilingan noon na tanggalin ang nasabing mga YouTube video.

“Hindi lang kami ang nakakaranas ng ganitong problema. Marami rin tayong mga kababayan na ilang beses nang nag-report ng mga mapanira na videos sa YouTube pero wala silang aksyon,” ani Pangilinan.

“There is obviously a gap somewhere. This needs to stop. Social media sites need to step up and be more responsive to reports and more especially to legal complaints. These are harmful to individuals and to families,” saad pa niya.

Hiniling din ng senador sa National Bureau of Investigation Cybercrime Division na ibunyag ang impormasyon at iba pang pagkikilanlan ng Starlet at Latest Chika, gayundin ang responsable sa pagbuo at pamamahala ng naturang YouTube channel.

Noong Mayo 2021, maraming video ang in-upload sa Starlet at Latest Chika YouTube channel na nagsasaad na ang senador ay sinasaktan ang kanyang asawang si Sharon Cuneta at kinasuhan din umano siya ng physical violence ng Megastar at anak nitong si KC Concepcion.

Sinabi pa sa nasabing video na nangaliwa rin umano ang asawang aktres ng senador. Pinabulaanan naman ito ng mag-asawa.

Ayon kay Pangilinan, nai-report na ng kanyang tanggapan ang 82 peke at malisyosong video sa YouTube subalit 54 dito ang hindi pa nadedesisyunan habang 28 na ang na-reject na. Daang libo na rin umano ang views ng nasabing mga video.

Sa kanyang reklamo, sinabi ni Pangilinan na may pananagutan umano sa batas ng Pilipinas ang owner at service provider YouTube, Google bilang dayuhang korporasyon na may negosyo sa bansa.

Sabi pa ng senador, ang country manager na si Bernadette Nacario ay responsable sa day-to-day operation ng YouTube sa Pilipinas.

Ang kawalan ng aksiyon ng Google at pagtanggal ng naturang mga video ay malinaw na paglabag sa batas ng Pilipinas gayudin sa community guidelines ng YouTube.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?