1,544

Dec 4, 2017 @ 8:41
By

Goodbye Maine! Wanted bagong ka-love team kay Alden

Magbabalik ang Pambansang Bae Alden Richards sa paggawa ng teleserye sa 2018.

Balitang ang Philippine version ng hit Koreanovela na Descendants of the Sun ang pagbibidahan ni Alden.

Ang Descendants of the Sun ang nagtampok sa Korean superstars na sina Song Joong-ki at ang misis niya in real life na si Song Hye Kyo.

Huling napanood si Alden sa primetime teleserye na Destined To Be Yours na siyang unang teleserye nila ng kanyang ka-loveteam na si Maine Mendoza sa GMA-7.

Pero usap-usapan na hindi na raw si Maine ang magiging partner ni Alden sa Philippine version ng Descendants of the Sun. Ayon sa aming source ay maghahanap sila ng bagong artista para iparehas kay Alden.

Kung matatandaan ay dapat si Alden ang gaganap na Mateo sa Philippine version ng hit Koreanovela na My Love From The Stars.

Iyon sana ang unang pagtatambal nila ni Jennylyn Mercado sa isang teleserye.

Pero hindi pa man nagsisimula ang project, umalma na ang AlDub fans at nagbantang hindi nila susuportahan ang teleserye na iyon unless si Maine Mendoza ang ka-partner ni Alden.

Ang ending, si Alden ang pinalitan at kinuha ang baguhang si Gil Cuerva bilang Mateo.

May mga umalma pa kayang mga AlDub fans kapag nakahanap na ng bagong leading lady para kay Alden? Sinabi naman ni Maine na wala silang relasyon ni Alden at magkaibigan lang sila. Kaya okey na i-partner na si Alden sa iba, ‘di ba?

Pero teka, matutuloy pa kaya ang second movie nila Alden at Maine? Follow-up ito sa naging box-office hit na unang tambalan nila na Imagine You & Me. Na-delay ng ilang beses ang dapat na shooting nila dahil pinaghahanda nila ang dalawa.

Wala ngang balita tungkol sa movie na ito kung tuloy ba or hindi na dahil sa naging epekto ng open letter ni Maine.

Ngayong Pasko ay tiyak na maraming AlDub fans ang malulungkot dahil wala si Maine sa Pilipinas dahil isang buwan na magbakasyon ito sa Amerika. Ito na ang pinakamatagal na pagkawala ni Maine sa showbiz.

Umalis si Maine noong nakaraang December 1 kasama ang kanyang ina at susunod na raw ang mga kapatid at ama. Simula noong sumabog sa social media ang open letter ni Maine, hindi na ito napapanood sa Eat Bulaga.

May ilang nagsabi na baka sinabihan si Maine na huwag munang lumabas sa Eat Bulaga dahil iba-iba ang reaction ng mga fans nila ni Alden sa open letter.

Yaman din lang at hiniling ni Maine na maging malaya na siya at makawala sa kahon na iniikutan niya, magagawa niya iyon habang nasa ibang bansa.

Pagkakataon na rin niyang makapag-isip-isip kung ano ba ang gusto niyang gawin na. Kung itutuloy pa ba niya ang mag-showbiz o ang iwan ito para sa nami-miss niyang tahimik at normal na buhay? (Ruel Mendoza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?