111

Oct 25, 2017 @ 11:24

Good Vibes: Piolo nagbigay ng P1M sa Tindig Marawi project ni Robin Padilla

By JUN NARDO

Ipinagmalaki ni Robin Padilla ang kabutihan ng loob nina Piolo Pascual at Bb. Joyce Bernal dahil sa ibinigay nilang tulong para sa pgpapatayo ng bahay sa Marawi. Ipinakita ni Binoe sa kanyang Instagram account ang donasyon nina Piolo at Bernal na nagkakahalaga ng P1.5M (P1M mula kay Papa P at P500K kay Direk Joyce).

“Bihira ang mga taong may ganitong klaseng puso at pananampalataya. Hindi ko masabi na religious act ang ipinakita nila sa akin ngayong gabi ng ika-23 ng Oktubre 2017 sapagkat maraming religious na tao pero walang act na ganito.

“Pagkatapos na pagkatapos makapaningil ng kanilang kinita sa pagiging mga producer ay hindi naisip ng dalawang ito na mag-goodtime kaagad o magpakalunod sa celebration bagkus ang ginawa nila ay hinanap ako at nag-donate ng pera para sa pagpapatayo ng bahay sa Marawi.

“1 million piso galing kay kapanalig Piolo Pascual@piolo_pascual at 500 libong piso galing kay kapanalig Joyce Bernal @direkbinibini.

“Maraming salamat sa inyong dalawa dahil hindi lamang tulong pinansyal ang nais ninyong ibahagi kundi pati ang inyong personal na serbisyo para sa pagpapalaganap ng Tindig Marawi sa bawat puso ng Pilipino. Mabuhay kayo akong mga kaibigan!!!” caption ni Robin.

Sina Piolo at Bb. Joyce ang dalawa sa producers ng Spring Films na gumawa ng blockbuster na Kita Kita.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?