67
magdalo-gary-alejano
By

A good leader is a good listener

Sharing is caring!

Iisa lang ang mensahe ng ating Pangulo sa pagsibak niya kay Dangerous Drug Board (DBB) Chairman Dionisio Santiago: huwag siyang kokontrahin dahil siguradong sisibakin ka niya sa pwesto. Ito ay kahit pa tama, may basehan, at merito ang iyong opinyon.

Hindi nagustuhan ng Pangulo ang opinyon ni DDB Chairman Santiago na isang pagkakamali ang pagtatayo ng mega drug rehabilitation facility sa Nueva Ecija. Si Chairman Santiago ay pwersahang pinag-resign sa kanyang pwesto dahil dito.

Kung inyo pong maaalala kahit ang pinalitan ni retired AFP Chief of Staff Gen. Santiago sa DBB na si Benjamin Reyes ay nasibak din dahil kinontra ang datos ni Pangulong Duterte na 4 million ang drug addicts sa Pilipinas habang sa kanya ay 1.8 million lamang. Hindi na nakakapagtaka kung mauubusan ng magagaling na tauhan ang administrasyong Duterte dahil sinuman ang kokontra sa kanya, kahit ano pang galing nila, ay sisibakin sa pwesto.

Ang istilo ni Duterte kung saan siya lamang ang tama ay walang pinagkaiba sa isang one-man rule. Ang tama, lalo pa kapag ito ay salungat sa kanya, ay ginagawa niyang mali, habang ang mali naman ay ginagawa niyang tama. Ang ganitong baluktot na pamamalakad ay walang mabuting maidudulot sa ating bansa.

Bukod sa pagkakaroon ng limitadong pagtingin, ang hindi pakikinig at pagiging sarado ni Duterte sa ibang pananaw ay hindi rin nakakapag-engganyo ng partisipasyon at propesyonalismo. Ito ay nakakababa ng morale ng mga opisyal at tauhan sa gobyerno. Imbes na maging masigasig sa pag-iisip ng mga bago at kritikal na ideyang makakatulong sa pagpapabuti ng mga serbisyo, pipiliian na lamang ng mga nasa gobyerno ang manahimik sa takot na maalis sa trabaho.

May pamosong kasabihan tayo na “a good leader is a good listener”. Mahalaga na ang pangulo, isang lider, ay nakikinig din sa opinyon ng kanyang mga tauhan kung ang hangarin naman ay para sa ikabubuti ng bayan. Ika nga ng British entrepreneur na si Richard Branson, “If you want to stand out as a leader, a good place to begin is by listening. Great listeners are often terrific at uncovering and putting in place strategies and plans that have a big impact.”

Maaaring nasanay ang dating mayor na siya lamang ang nasusunod ngunit hindi na ito uubra ngayon. Napakahalaga na ang isang pangulo ay nakikinig sa kanyang mga tauhan, maging sa mga kritiko, at lalo na sa taumbayan na kanyang pinaglilingkuran. Walang may monopolyo ng lahat ng kaaalaman at kakayahan sa mundong ito. Lalong walang may monopolyo ng pagnanais na makatulong sa bayan.

Kahit na ikaw pa ang pinakamataas na lider, kailangan mo ng katuwang sa pagpapatakbo ng isang bansa. Ang pakikinig at pagiging bukas sa pananaw ng ibang tao ay hindi nangangahulugang pagiging mahina. Ito ay marka ng isang magaling na lider na may malalim na pang-unawa at pag-iisip.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?