abante-tnt-vismin-roilo-golez
By

Golez: Militarisasyon ng China sa South China Sea, nakaaalarma

Sharing is caring!

Ito ang opinyon ni dating National Security adviser Roilo Golez sa ginagawa ng China sa pinag-aagawang teritoryo.

Sa kanyang pagharap sa Kapihan sa Manila Bay Media Forum, ipinunto ni Golez ang tatlong mga mapangahas na hakbang ng China sa pinag-aagawang teritoryo na banta aniya hindi lamang sa seguridad ng Pilipinas kundi sa mga karatig bansa nito sa timog silangang Asya.

Una sa mga tinukoy ni Golez ay ang pagtatayo ng China ng “array radar” sa mga artipisyal na isla na kanilang itinayo na may kapabilidad na i-monitor ang lahat ng uri ng komunikasyon sa mga karatig bansa nito kasama na ang Pilipinas.

Posible aniyang namomonitor ng China ang military base ng Pilipinas sa Palawan, ang Malakanyang at maging ang mga ahensiya na nagbabantay sa ating National Security.

Pangalawa ang paglalagay ng China ng signal jammer na itinuturing niyang “serious security threat” hindi lamang sa Pilipinas kundi sa mga kapitbahay na mga nasyon.

Pangatlo, ang paglapag ng mga military planes at bomber planes ng China sa mga artipisyal na isla pati na ang paglalagay nila ng long-range missiles.

Dahil dito, sinabi ni Golez na dapat nang mag-convene ang National Security Council ng Pilipinas para seryosong planuhin ang mga hakbang ng China na banta sa ating pambansang seguridad.

Isa aniya sa mga inirerekomenda niya sa gobyerno ay ang pagpapairal ng “lawfare” na ang ibig sabihin ay hindi armas kundi mga kasalukuyang umiiral na batas ng Pilipinas at ng United Nations para mahinto ang mas agresibong mga pagkilos ng China.

Sinabi nito na dapat isama ang “lawfare” strategy sa diplomatic protests ng gobyerno ng Pilipinas laban sa naturang bansa.

Hindi naman sang-ayon si Golez sa pananaw na gigiyerahin tayo ng China kapag iginiit ang diplomatic protests dahil maituturing itong “Act of Peace” at hindi “Act of War”.

Samantala, tutol naman ang dating kongresista sa mungkahing “joint exploration” ng Pilipinas at China sa pinag-aagawang teritoryo dahil tiyak aniya na lugi ang bansa sa naturang paraan.

Paliwanag ni Golez, dambuhalang bansa kasi ang China at kumpleto ng mga gamit para i-explore ang karagatan, samantalang walang kapabilidad ang Pilinas sa oil exploration.

Maliban dito, labag din aniya sa umiiral na batas ang pagsosyo kung hindi 60 porsiyento ng negosyo ay pag-aari ng Filipino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?