26

Aug 4, 2021 @ 20:17
By

Gobyerno walang pera para madagdagan contact tracers

Naghahanap ng pondo ang gobyerno para makakuha ng dagdag na contact tracers na mahalaga sa paglaban sa COVID-19 pandemic.

Sa briefing ng House Committee on Health ngayong Miyerkoles, sinabi ni Contact tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na mayroon lamang 6,921 contact tracers sa kasalukuyan na malayo sa target na 56,303.

“This is now the main issue and the big problem that is being faced by our contact tracing system. Wala pa pong pondo para sa renewal ng ating contact tracers,” sabi ni Magalong.

Ginagawa umano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat para makahanap ng pondo na pampasuweldo sa mga kukuning contact tracer.

Ayon naman kay Interior Undersecretary Epimaco Densing III, humihingi ang DILG ng P5-P7 bilyon sa Department of Budget and Management (DBM) para sa pagkuha ng mga dagdag na contact tracer.

Umapela din si Densing sa Kongreso na aprubahan ang Bayanihan 3 Law para madagdagan ang pondo para sa contact tracing system.

Maaari rin umanong gamitin ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang Local Development Funds para sa pagkuha ng mga contact tracer.

Kinondena naman ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas ang administrasyong Duterte dahil sa hindi magandang contact tracing program sa gitna ng banta ng mas nakakahawang Delta variant ng COVID-19.

“We need 135,000 contact tracers for 108 million Filipinos, but the government still cannot reach its current target of 56,303. It is alarming that contact tracing program is still incredibly slow and almost non-existent in the Philippines,” sabi ni Brosas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?