95

Mar 7, 2021 @ 15:23
By

Gobyerno nawawalan ng P1 trilyong kita sa smuggling sa ecozones

Tinatayang P1 trilyon ang nawawalang kita sa gobyerno kada taon dahil sa smuggling na idinadaan sa mga economic zones.

Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda itutuloy ng House Committee on Ways and Means ang pagdinig kaugnay ng smuggling sa mga ecozone na ginagamit umano sa pagpuslit ng mga produktong petrolyo, agrikultura at sigarilyo.

Nagbanta rin si Salceda na gagawa ng hakbang ang Kongreso upang maalis ang prebilihiyo na ibinibigay ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) at iba pang investment promotion agencies kung hindi pag-iibayuhin ng mga ito ang pagbabantay.

Paliwanag ni Salceda batay sa datos noong 2017, umabot sa P504 bilyon ang ibinigay na incentives ng gobyerno sa mga economic zones. Kung idaragdag umano dito ang nawalang kita dahil sa smuggling ay aabot ito sa P695 bilyon.

Kung isasama umano dito ang hindi nakolektang excise tax sa produktong petrolyo, sigarilyo at sugar-sweetened beverages aakyat ang nawalang kita sa gobyerno ng P1 trilyon kada taon.

“Ecozones are the country’s trillion-peso blackhole. It’s where a third of government revenues go to disappear. The bleeding has to stop,” ani Salceda.

Umaasa si Salceda na mababawasan ang smuggling sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) bill na inaprubahan na ng Kongreso at pirma na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang para maging batas.

“CREATE is actually better. It doesn’t matter if you locate in an ecozone or not. If you qualify for incentives, you will get them. And we don’t provide lax enforcement provisions, like warehouse privileges and the like. It’s just a straightforward incentives-for-investments system. If you do good for the country, the country will do good to you. It’s so simple,” paliwanag ni Salceda.

Paliwanag ni Salceda sa ilalim ng CREATE ay mabibigyan ng insentibo ang isang handicraft exporter sa Albay kahit hindi ito ecozone locator sa Subic Freeport. Ang maganda, dagdag ni Salceda hindi umano maaaring mag-smuggle ang handicraft exporter at walang gagastusin sa kanya ang gobyerno gaya ng nasa ecozone.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?